‘ANG MAGANDANG PARTE SA SOCIAL MEDIA’
Pinuri ng mga netizen ang isang babae matapos itong magpaabot ng tulong at magbayad ng pamasahe sa bus ng isang lalaki na tila kalalabas lang ng kulungan.
Habang papunta sa Lipa, Batangas, narinig ng uploader na si Cathleen Lacorte ang pag-uusap ng isang konduktor ng bus at isang lalaking pasahero noong Disyembre 19.
“Nakasabay ko po siya sa bus dito sa PITX. Pinapababa po siya ng konduktor dahil wala siyang pambayad. Sabi niya sa konduktor kalalabas niya lang ng kulungan kaya wala syang pera. Naawa naman po ako kaya sabi ko kay tatay wag siyang bumaba ako na lang bahala,” Kwento ni Cathleen.
Sa tulong ng social media, naabot ni Cathleen ang mga opisyal ng barangay malapit sa kanilang tahanan at pamilya ni Tatay.
“Sobra po siyang nagpapasalamat dahil makakauwi siya sa mga anak niya. Mangiyak ngiyak po si Tatay dahil matagal niya po di [sila] nakasama. Nung sinabi niya po name ng anak niya nung imemessage ko para malaman na pauwi na siya nasimulan na po talaga siyang lumuha,” aniya.
Pinuri ng online community si Cathleen dahil hindi siya nagdalawang isip sa pagtulong kay Tatay.
“The positive side of social media,” komento ng isang netizen.
Nasiyahan raw si Cathleen nang malaman na nasa bahay na ngayon si Tatay kasama ang kanyang pamilya.
“I really feel good na makatulong sa kapwa kahit sa simpleng paraan. Nakakawala po ng pagod kahit galing ako sa trabaho that time and may exam po ako sa school the next day. Talaga pong palaging perfect ang timing ni Lord dahil saktong pauwi din po ako at parehas kaming taga Lipa,” ayon kay Cathleen.
“Sa kahit ano pong sitwasyon at pagkakataon, sa kahit saang lugar at sa kahit anong oras, piliin po natin tumulong kahit sa pinakasimpleng paraan,” dagdag nito.
📷 Cathleen Lacorte