Sa edad na 49, maagang namaalam sa ating mundo ang "The Flash" ng mga boksingerong Pilipino na si Gabriel "Flash" Elorde noong 1985. Pumanaw siya dahil sa kanyang sakit sa baga na resulta ng labis niyang paninigarilyo. Inihimlay ang kanyang mga labí sa Manila Memorial Park. Taong 1993 nang napabilang si Elorde International Boxing Hall of Fame at sa World Boxing Hall of Fame, ang kauna-unahang Asyanong napabilang sa mga ganoong klaseng pagkilala. Napabilang rin si Elorde sa 80 Best Fighters of the Last 80 Years ng Ring Magazine noong 2002.
Ipinanganak noong ika-25 ng Marso, 1935 si Gabriel Elorde at bunso sa 15 magkakapatid ng isang mahirap na pamilya sa bayan ng Bogo, Cebu. Maagang huminto sa pag-aaral ang batang Elorde dahil sa matinding kahirapan, at maagang nagbanat ng buto bilang tagaayos ng mga bowling ball at karpintero. Hanggang sa tulong ng kaibigan niyang professional boxer na si Lucio Laborte, napasok rin siya sa larangan ng pagboboksing sa edad na 16. Sa parehong edad rin siya unang nakalaban sa boksing kontra kay Kid Gonzaga, na napatumba niya sa ika-4 na round. Kalauna'y nakilala na rin siya sa alyas na "Flash" dahil sa kanyang liksi at bilis ng pagsuntok sa kanyang mga kalaban sa ring. Sa edad na 17, nakuha ni Elorde ang kanyang unang national bantamweight title. Nakapagpatumba na rin siya ng mga bigating pangalan sa pagboboksing sa Pilipinas at maging sa Asya, gaya nina Hiroshi Horiguchi ng Japan at Tanny Campo ng Pilipinas, at ang all-time great world featherweight champion na si Sandy Saddler noong 1955, pero natalo rin siya sa kanilang rematch. Matapos nito, nakuha ni Elorde ang kanyang world super featherweight title noong Marso 1960 laban kay Harold Gomes, ang titulong dinepesahan niya sa loob ng 10 taon bago na naman siya natalo kay Yoshiaki Numata ng Japan. Isa sa mga huling nakalaban ni Elorde si Carlos Ortiz, bago siya tuluyang nagretiro sa pagboboksing. Sa kabuuan, 88 laban ang mga naipanalo niya (33 rito ang KO), 27 ang mga labang natalo siya at dalawang tabla, ang pinakamahusay na super featherweight champion sa kasaysayan ng WBC.
Nanatili pa rin siya sa mata ng publiko sa kanyang mga commercials sa telebisyon, at naitampok rin siya sa mga pelikulang gaya ng Kapag Buhay ang Inutang (1962), Ang Tatay Kong Kalbo (1963), Mano-mano (1964), Palad Ta ang Nagbuot (1969), at Pamilya Dimagiba (1982). Sa kanyang pagpanaw, naulila niya ang kanyang maybahay na si Laura Elorde, na pumanaw rin noong 2020, at kanilang mga anak, na kundi man sumunod sa yapak ni Flash Elorde, ay bumuo rin ng mga sariling boxing gym. Ipinangalan rin sa kanya ang isang sports center sa lungsod ng Parañaque.
Sanggunian:
• Wikipedia (n.d). Gabriel Elorde. Retrieved January 2, 2022. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Gabriel_Elorde
#SulyapSaNakaraan
#GabrielFlashElorde #PhilippineBoxing
#PhilippineHistory