DALAWANG ESTUDYANTE, NATAGPUANG NAKA LAMBITIN SA ISANG CLASSROOM SA TAGUIG, IMBESTIGASYON NAGPAPATULOY
DALAWANG babaeng estudyante ang natagpuang patay sa loob ng opisina ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Taguig Biyernes ng gabi, Nobyembre 10, 2023.
Sa ulat ng Taguig police, nakitang patay ang dalawang biktima dakong alas-11 ng gabi. noong Nobyembre 10 sa loob ng Girls Scout Mini Office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng Signal Village National High School.
Si Mary, 15, ay Grade 10 student at residente ng Barangay South Signal, Taguig; habang si Irish, 13, ay Grade 8 student, ng Barangay Central Signal.
Isang testigo na kinilalang si Danielle, 16, estudyante, ang nagsabi sa Taguig police na huling nakita ang dalawang biktima dakong 7:45 p.m noong Nobyembre 10 matapos nilang sabihin sa kanya na umuwi na sila.
Nabatid sa kanilang messenger group na hindi umuwi ang dalawa. Agad namang hinanap ni Danielle ang mga biktima at nakitang nakasabit ang kanilang mga katawan gamit ang tali na nakatali sa leeg at nakakabit sa bakal na grill sa opisina.
Magkayakap pa diumano ang dalawang biktima nang matagpuan nakabitin sa loob ng klasrum at wala ng buhay.
Ipinaalam ng saksi ang mga security guard na nagsumbong naman sa Taguig police.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at isinailalim na sa atopsiya ang bangkay ng dalawang estudyante.
Nagtungo na si Mayor Lani Cayetano sa Signal Village National High School matapos mabalitaan ang pagkamatay ng dalawang mag-aaral at nagpaabot ng pakikiramay sa kanilang mga pamilya.
Kasama ang mga magulang ng mga estudyante, ay inalam din ng alkalde sa report at sa mga resulta ng paunang imbestigasyon ng mga pulis ng PNP Scene of Crime Operation (SOCO) ukol sa pangyayari.
Nais bigyang diin ni Mayor Lani na ang issue sa mental health ay totoo at ang depresyon ay isang seryosong suliranin.