Mahigpit na ipinagbabawal na ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong kalsada, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na umiiral ang Anti-Public Intoxication Act, na nagbabawal sa pag-inom sa mga lansangan at pampublikong lugar.
“Meron tayong Anti-Public Intoxication Act. Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman,” pahayag ng kalihim.
Binigyang-diin din niya na paiigtingin ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng nasabing batas at mahuhuli ang sinumang lalabag dito.
“Sinasabihan ko ang lahat, pasensyahan tayo. Pag kayo mag-inuman sa kalye, huhulihin namin kayo,” dagdag pa niya.
Layunin umano ng hakbang na mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at seguridad sa mga komunidad.