Nilupak Poisoning Victim in Bicol Region

𝐁𝐢𝐤𝐭𝐢𝐦𝐚 𝐧𝐠 𝐧𝐢𝐥𝐮𝐩𝐚𝐤 𝐟𝐨𝐨𝐝 𝐩𝐨𝐢𝐬𝐨𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐬𝐚 𝐂𝐚𝐦𝐚𝐫𝐢𝐧𝐞𝐬 𝐒𝐮𝐫, 𝐮𝐦𝐚𝐛𝐨𝐭 𝐧𝐚 𝐬𝐚 𝟒𝟗; 𝐢𝐬𝐚 𝐧𝐚𝐬𝐚𝐰𝐢.. 

Umabot na sa 49 ang naitatalang nakaranas ng food poisoning dahil sa kinaing nilupak sa handaan sa Bgy. Carangcang, Magarao, Camarines Sur, ayon kay punong barangay Nenita Aspe ngayong Huwebes. 

Dagdag ni Aspe, magkakamag-anak ang mga biktima na dumalo sa birthday party noong Lunes, at dinala sa iba't ibang ospital sa Naga City. 

Pinauwi rin agad ang iba sa kanila matapos bumuti ang lagay, pero ang 35-anyos na si Gilbert Cortezano, nasawi sa tindi ng naranasang mga sintomas habang isinusugod sa Bicol Medical Center noong Martes.

"Ang naramdaman niya pong sintomas sakit ng tiyan, LBM, lagnat, sakit ng ulo, nag-chill pa daw ito. Siya lang ang nag-chill sa lahat. 'Yong sakit ng tiyan niya ayon sa magulang, parang nilalagari ang pakiramdam. Marami raw 'yon nakain kasi paborito raw ang nilupak," saad nito.

Napag-alaman ng Barangay Health Workers (BHW) at Barangay Nutrition Scholars (BNS) na kapatid ng celebrant ang gumawa ng nilupak, at kabilang sa mga nalason.

Sa ospital, iginiit umano nito na pinakuluan niya ng mabuti ang mga kamoteng-kahoy, para maalis ang nakalalasong kemikal na 'cyanide', na karaniwan nang matatagpuan sa nasambit na halamang-ugat.

Posible umanong mabilis na napanis ang nilupak dahil mainit ang panahon nang ihanda.

"Sabi po nung nagluto, dahil nakausap ko doon sa infirmary naconfine, lutong-luto naman daw 'yon kaya hindi niya alam kung bakit ganun ang nangyari," saad ng kapitana.

"Ang mga speculation, di ba inilagay sa tray, tinakpan ng cellophane, so kahit hindi direct sa sunlight e kung 'yong bahay medyo mababa tapos yero, so mainit. Kung nag-moist 'yon tapos nakulob, kung maaga ginawa, so posibleng 'yon ang dahilan. Meron daw pong nakatikim na medyo maasim na," dagdag nito.

Sa kabila nito, kumuha pa rin ng sample ng nilupak ang Rural Health Unit (RHU) para alamin ang tunay na sanhi ng food poisoning.

Imumungkahi rin umano ni Aspe, na presidente rin ng Liga ng mga Barangay, na masuri ang bunga ng kamoteng-kahoy na ginamit sa nilupak para maalis ang pag-aalinlangan ng marami sa pagkonsumo ng kamoteng-kahoy.

Mula sa Bgy. Carangcang ang karamihan sa mga kakaning may sangkap na kamoteng-kahoy gaya ng cassava pudding, balisungsong, suman at 'tabog-tabog', na itinitinda sa Naga City at mga katabing bayan.

Ayon sa opisyal, ramdam ng mga nagtitinda ang negatibong epekto ng insidente sa kanila.

"Meron din po kasi bumibili sa Calabanga. Noong isang araw, may gagawa sana ng nilupak pero hindi na ginawa kasi wala nang bumibili dahil natatakot. Mahina talaga ang benta nila ngayon," paliwanag nito.

Bukod sa mga biktima, pag-aaralaan din umano ng barangay, kung ano ang maaaring maitulong nila sa mga kakanin vendors na tiyak na maaapektuhan ang kita sa sunod na mga buwan hanggang sa Kapaskuhan.
Tags

Post a Comment

0 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.

Top Post Ad

SPONSORED

sponsored