Masasabing isa sa mga beteranong personalidad sa buong mundo sa larangan ng komedya ay ang British na aktor at komedyanteng si Charlie Chaplin. Ngunit naging malungkot ang makulay na mundo ng komedya sa kanyang pamamaalam sa mismong araw ng Pasko noong 1977. Sa edad na 88, namatay habang natutulog sa kanyang tahanan sa Switzerland ang beteranong British na komedyante, resulta ng komplikasyong dulot ng stroke. Maraming mga sikat na personalidad sa buong mundo ang nagluksa sa pagpanaw ni Chaplin, na pinasaya ang mundo sa kanyang mga pagpapatawa sa pinilakang tabing. Hindi lamang siya aktor at komedyante, kundi isa rin siyang direktor, movie producer at editor, at screenwriter.
Isinilang noong ika-16 ng Abril, 1889 sa lungsod ng London, United Kingdom si Charles Spencer Chaplin at mula siya sa pamilya ng mga entertainer. Ipinangalan siya sa kanyang ama na isang entertainer sa mga music hall sa London, at dating mang-aawit at nagtatanghal sa mga teatro ang kanyang ina na si Hannah Hall. Laki sa hirap ang batang Chaplin, na napilitang maghanap-buhay at rumaket sa London.
Sa edad na 14 ay nadala sa mental asylum ang kanyang ina matapos maghiwalay ang kanyang mga magulang, dahilan upang ilang beses siyang mahinto sa pag-aaral. Di naglaon ay sumunod na si Charlie sa naging karera ng kanyang ama, nang pumasok siya at nagtanghal sa mga music hall at naging isa rin siyang stage actor at doon na rin sumibol ang kanyang karera sa pagpapatawa. Dahil madalas mapansin ang kanyang galing sa mga maliliit na teatro sa London ay nahikayat siya ng Fred Karno company na magtrabaho para sa kanila, at dahil dito ay dinala siya sa Estados Unidos sa edad na 19. Nagsimula na siyang lumabas sa mga silent film sa ilalim ng Keystone studios noong 1914. Dito na tumatak ang kanyang trademark na imahe na Tramp persona na nakasuot ng coat and tie, nakabaston, nakasuot ng bowler hat, bilang portrayal sa karakter ng isa sa kanyang mga pelikula. Bandang 1918 ay nagdirek na rin siya ng mga sariling pelikula niya at itinuring na isa sa pinakasikat na personalidad sa buong mundo, lalo na sa larangan ng pelikula. Ilan sa mga silent film na bukod sa siya ang bida ay siya rin ang nagdidirek at producer ay ang mga sumusunod: The Kid (1921), A Woman In Paris (1923), The Gold Rush (1925), The Circus (1928), City Lights (1931) at Modern Times (1936).
Mula sa mga temang tungkol lamang sa mga pangkaraniwang gawain noong panahon niya ay naging pulitikal ang mga naging tema ng mga pelikula niya, lalo na nang sumapit ang Estados Unidos sa digmaan sa Europa noong dekada 40. Madalas niyang gawan ng satirikal na pagganap ang mga diktador sa Europa gaya ni Benito Mussolini at si Adolf Hitler, kung saan sa kanyang satirikal na pelikula na The Great Dictator noong 1940 ay ginaya ang pananamit at ang kanyang trademark na sipilyong bigote ni Hitler. Nakita rin sa dekada 40 ang paglabnaw ng kanyang kasikatan sa Amerika at nabatikos rin dahil sa akusasyon na pagsuporta sa ideyolohiyang komunismo, at nauungakat rin ng mga press ang kanyang magulong buhay-pag-ibig, lalo na sa hilig niyang mag-asawa ng mas bata sa kanya, at ipinaimbestigahan pa siya sa Federal Bureau of Investigation. Dahil dito, napilitan siyang iwanan ang Amerika at lumipat sa Switzerland. Ipinagpatuloy niya pa rin doon ang kanyang karera pero iniwan na niya sa Amerika ang kanyang imaheng Tramp, sa kanyang mga pelikulang Monsieur Verdoux (1947), Limelight (1952), A King in New York (1957), at A Countess from Hong Kong (1967).
Palatawa man sa harap ng camera, isa siyang istrikto at perpeksyonistang direktor at film producer. Siya rin ang minsa'y nagsusulat ng script, editor at producer. Humakot siya ng maraming parangal sa kanyang mga pelikula, kabilang na ang Academy Awards noong 1972. Isa rin siyang songwriter at kompositor, kung saan isinulat niya at nilikha ang awiting "Smile", na repleksyon sa kanyang makulay at positibong persona bilang isamg taong nagpapasaya sa kanyang kapwa.
Mga Sanggunian:
• Barson, M. (2021, December 21). Charlie Chaplin. Encyclopædia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Charlie-Chaplin
• Biogrpahy.com Editors (2021, May 5). Charlie Chaplin. The Biography.com website. https://www.biography.com/actor/charlie-chaplin
#SulyapSaNakaraan
#InMemoriam #CharlieChaplin
#WorldHistory