Stan Lee


Ngayong araw ang sentenaryong taong kaarawan ng Amerikanong henyong nagsilang ng mga tumatak na mga superheroes gaya nina Iron Man, Spider Man, Incredible Hulk, Dr. Strange, Hawkeye, Captain America, at mga karakter sa Avengers at X-Men na si Stan Lee. Ipinanganak siya noong 1922 bilang si Stanley Martin Lieber sa lungsod ng New York sa Estados Unidos, at anak ng mga imigranteng Romanian na sina Celia at Jack Lieber. Nang natamaan ang Amerika ng Great Depression, napilitang kumayod para sa sarili ang batang Stan Lee at kanyang mga kapatid. Nagtrabaho siya bilang office apprentice sa Timely Comics noong 1933, at naging interim editor ng nasabing kompanya noong 1940. Sa pagsapit ng Amerika sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsilbi siya sa hukbong Amerikano bilang manunulat at illustrator. Muling bumalik sa kanyang pinagsilbihang kompanya na Timely Comics (ngayo'y Marvel Comics) si Stan Lee para gumawa ng comics series na ipangtatapat sa karibal na DC Comics. Dahil sa inspirasyon niya ang mga awtor na sina Sir Arthur Conan Doyle at Jules Verne, at ang kanyang misis, nilikha niya at ng co-comic writer na si Jack Kirby ang Fantastic Four noong 1961.

Nagsunud-sunod ang mga matagumpay na proyektong ginawa ni Lee sa Marvel Comics, gaya ng Incredible Hulk, Spider Man, Doctor Strange, Daredevil, at ang X-Men. Bukod sa kwento ng pakikipagsapalaran ng mga karakter na produkto ng kanyang imahinasyon, nilagyan rin ng mga elementong umiiral sa tunay na lipunan ang kanyang mga likha, gaya ng pulitika, pagkagumon sa iligal na droga at bigotry, habang ipinakita niya sa kanyang mga karakter ang likas na pagkamakatao ng lipunan.

Naging popular ang Marvel Comics franchise sa tulong ng mga obra ni Stan Lee, na itinaas siya sa posisyon na editorial director at publisher, at naging Chairman Emeritus ng nasabing kompanya. Mula sa mga komiks, tumalon na rin sa industriya ng pelikula ang mga obrang likha ni Stan Lee, na nagsilang ng mga animated at real-life movie series na halaw sa mga komiks niya, partikular na ang X-Men at Avengers.

Tumanggap ng mga pagkilala mula sa mga pribadong institusyon hanggang sa mismong Presidente ng Amerika si Stan Lee para sa kanyang mga henyong likha, at gumawa na rin siya ng sariling autobiography. Nagkaroon rin siya ng sariling segment sa History Channel na Stan Lee's Superhumans, kung saan naghanap siya ng mga natatanging indibidwal na may mga kagila-gilalas na kakayahan at abilidad kumpara sa mga ordinaryong mamamayan. Nagkainteres rin si Stan Lee sa mga sci-fi novels, at gumawa rin ng kanyang graphic novel na Romeo and Juliet: The War.

Sa mga nagdaang taon, humina ang kanyang kalusugan bunsod ng katandaan, at nasangkot pa sa isyu sa kustodiya ng kanyang mga ari-arian sa pagitan niya at ng kanyang sariling anak. Natitsismis lagi na namayapa na si Stan Lee, hanggang naging totoo na rin ang mga bulung-bulungan noong ika-12 ng Nobyembre, 2018 sa edad na 95. Kahit wala na siya, parang buhay pa rin siya dahil sa legasiya ng kanyang karera.

Sanggunian:
• Biography.com Editors (2019, December 13). Stan Lee (1922-2018). Biography. Retrieved December 28, 2021.  https://www.biography.com/.amp/media-figure/stan-lee

#SulyapSaNakaraan
#StanLee #MarvelComics
#WorldHistory

Post a Comment

0 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.

sponsored