SIGNAL No.1, NAKATAAS SA CATANDUANES DAHIL SA BAGYONG ‘AMANG’
Isa ng ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) na nasa Philippine area of responsibility (PAR) at pinangalanang ‘Amang,’ ang unang bagyo ng taon.
Batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo Martes, April 11, ng alas-5:00 ng umaga sa layong 475 kilometers silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 km/h at pagbugso na aabot sa 55 km/h.
Kumikilos ang bagyo patungong west northwest na direksyon sa bilis na 20 km/h.
Dahil dito, nakataas ang tropical cyclone wind signal number 1 sa dako ng Catanduanes maging sa northern at eastern portion ng Samar.
Base sa forecast track ng PAGASA, sa araw ng Miyerkules, April 12, ay didikit pa ito sa eastern Visayas at Bicol Region.
Sa Huwebes, April 13, naman ay posibleng nasa silangan na ito ng Polillo Island sa probinsya ng Quezon.
Pagsapit ng Biyernes, April 14, posibleng nasa silangan na ito ng Aurora province at Isabela ngunit bilang isang LPA na lamang.
Ngayong araw ay makararanas ng mga pag-ulan at pagbugso na hangin ang northern at eastern Samar.
Makararanas naman ng kalat kalat na mga pag-ulan sa central Visayas, Caraga, Bicol region, at nalalabing bahagi ng eastern Visayas.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay posible rin ang mga biglaan mga pag-ulan o thunderstorms.