DASMARIÑAS, CAVITE — Madugong eksena ang gumulantang sa isang burol matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem ang dalawang lalaki madaling-araw ng Abril 2, 2026.
Ayon sa ulat ng Dasmariñas Component City Police Station (CCPS), naganap ang insidente bandang alas-3:00 ng madaling-araw sa Block 26, Brgy. San Manuel 1.
Nasa lamay umano ang biktima kasama ang mga kaibigan at abala sa paglalaro ng “cara y cruz” nang biglang sumulpot ang dalawang suspek sakay ng isang itim na motorsiklong Honda Click na walang plaka.
Napag-alaman na huminto ang motorsiklo malapit sa pinangyarihan ng krimen at bumaba ang backrider na may suot na dilaw na helmet. Walang kaabog-abog itong lumapit sa mga biktima at agad nagpaputok ng baril.
Tinamaan ang pangunahing biktima na si alyas “Tito,” 44-anyos, na nagtamo ng tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Sugatan naman ang ikalawang biktima na si alyas “Don,” 16-anyos, matapos tamaan sa kanang paa. Agad siyang isinugod sa ospital at kasalukuyang nasa ligtas nang kondisyon.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Kadiwa, dala pa ang ginamit na baril na hindi pa matukoy ang kalibre.
Sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaang planado ang krimen, lalo’t target umano ang nasawing biktima.
Agad namang nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya, kabilang ang backtracking at forward tracking upang matunton ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Patuloy din ang panayam sa mga posibleng saksi habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Sa ngayon, nananatiling palaisipan ang motibo ng krimen habang pinaghahanap pa ang mga suspek.