Ayon sa hepe ng Ligao City PNP, umakyat ang patrol car sa paanan ng Kawa-Kawa Hill bilang bahagi ng monitoring sa paligid ng Carmelite Church, dahil ngayong panahon ng Semana Santa ay maraming mananampalataya ang pumupunta sa simbahan, lalo na tuwing Biyernes Santo.
Nasa paanan ng Kawa-Kawa Hill sa Barangay Tuburan ang sasakyan, kung saan matarik ang lugar.
May isang babae ang lumapit sa driver ng sasakyan ng pulis at nakiusap kung maaari silang makisakay pababa dahil may kasama siyang senior citizen at ilang bata na bababa sa palusong na kalsada.
Bukas naman sa kalooban ng driver na makatulong kaya bumaba ito sa sasakyan habang naka-handbrake ang patrol car.
Samantala, ang kasama niyang pulis ay siniguro pang kinalsuhan ng bato ang gulong upang hindi gumalaw ang sasakyan.
Habang tinutulungan ng driver ang mga matatanda na makasakay, bigla umanong gumalaw at umabante ang patrol car.
Dumausdos ito pababa ng kalsada at inararo ang ilang taong nadaanan.
Nagkataon namang may paakyat na brand new na sasakyang Ford Territory na sana ay ipapabasbas sa simbahan, subalit head-on itong sinalpok ng patrol car na wala nang driver.
Sa panayam ng DZGB News sa hepe ng Ligao PNP, sinabi nitong aabot sa 15 katao ang isinugod sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital, habang may isang seryosong nasugatan na inilipat sa Bicol Regional Hospital and Medical Center.
Ang driver ng PNP patrol car ay nagtamo rin ng mga gasgas sa tuhod habang hinahabol ang sasakyan na naiwan sa kanya. Pilit umano niyang pinigilan ang pagdausdos nito, subalit hindi niya ito napigilan.
Sa ngayon, ipinaalam na ni Police Lieutenant Colonel Danny Baytec kay Police Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez ang nangyaring insidente.
Nakatakda ring tulungan ng PNP ang mga biktima sa hindi inaasahang pangyayari.