Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, halos lahat ay apektado,isa na rito ang mga bus company. Pero sa kabila nito, tuloy pa rin ang biyahe, lalo na ngayong panahon ng Mahal na Araw, kung kailan maraming gustong makauwi sa kanilang pamilya.
Para sa mga driver at konduktor na umaasa sa araw-araw na pasada, wala silang ibang choice kundi magpatuloy. Hindi rin basta makapagtaas ng pamasahe dahil karamihan sa mga pasahero ay nakapag-book na bago pa man ang oil price hike.
Kaya itong si kuya konduktor ng Penafrancia Tours, pumwesto sa gitna ng bus at magalang na nagpaliwanag sa mga pasahero. Kada hinto raw sa bus stop, papatayin ang makina,utos ng management. Ramdam ko ang hiya sa boses niya, marahil dahil ngayon lang nila ito ginagawa.
Nakakalungkot isipin na unti-unti tayong nag-aadjust sa mga bagay na dati ay hindi naman kailangan pagdaanan. Isa pa lang ito sa maraming naapektuhan lalo na ang mga nasa laylayan.
Sana dumating ang panahon na hindi na kailangang magtipid sa ganitong paraan. Sana matapos na ang mga pangyayaring nagdudulot ng ganitong hirap, at matigil na rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na higit na nagpapabigat sa bawat Pilipino.