Dating Piloto sa Pilipinas, Natagpuang natutulog na lamang sa isamg Kalye sa Thailand


Mula sa pagpapalipad ng eroplano, nauwi sa pamumuhay sa lansangan.

Ito ang nakalulungkot na sinapit ni Larry, isang dating Pilipinong commercial pilot na minsang nagtrabaho sa Philippine Airlines at AirAsia, matapos siyang matagpuang walang tirahan sa Bangkok, Thailand.

Ayon sa ulat ng Thai PBS World, unang nakita si Larry ng isang netizen na nakahiga sa ilalim ng hagdan ng BTS Ploenchit Station. May mga sugat umano siya sa katawan at ilang araw nang doon nagpapalipas ng gabi. Nang alukin siyang magpatingin sa ospital, tumanggi muna siya dahil wala siyang pambayad sa gastusin.

Nagpasya ang netizen na tulungan siya sa pamamagitan ng pagbili ng gamot, tubig, at tinapay. Nang malaman ang kaniyang pangalan, hinanap niya ito sa internet at natuklasang isa pala itong dating piloto ng Philippine Airlines. Nang ipakita niya kay Larry ang lumang larawan nito bilang piloto, hindi umano napigilan ng dating aviator ang mapaluha.

Sa kanilang pag-uusap, ibinahagi ni Larry na mahigit dalawampung taon na siyang naninirahan sa Thailand. Ayon sa ulat, naubos umano ang kaniyang ipon dahil sa mga hindi naging matagumpay na pamumuhunan sa stock market. Kalaunan ay nauwi rin sa hiwalayan ang kaniyang kasal sa isang Thai national, dahilan upang lalo pang lumala ang kaniyang kalagayan hanggang sa mawalan siya ng tirahan.

Matapos kumalat ang kaniyang kuwento, agad siyang tinulungan ng Mirror Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga taong walang tirahan at nangangailangan ng agarang tulong. Dinala siya sa ospital upang magamot ang kaniyang diabetes at mabigyan ng kinakailangang pangangalaga.

Ayon pa sa Mirror Foundation, nakikipag-ugnayan na sila sa Embahada ng Pilipinas sa Thailand upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang, kabilang ang posibilidad na maibalik si Larry sa Pilipinas sa sandaling bumuti na ang kaniyang kalagayan.

Ang kuwento ni Larry ay nagsisilbing paalala na kahit ang mga may matagumpay at respetadong propesyon ay maaari pa ring makaranas ng matitinding pagsubok sa buhay. Ngunit ipinapakita rin nito kung gaano kahalaga ang malasakit ng mga taong handang tumulong sa oras na halos wala nang natitira.

Post a Comment

0 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.