ISANG DEKADA MULA NOONG YOLANDA: NASAAN NA NGA BA TAYO?
Ang PanahonKonek ay nakikiisa sa buong bansa sa pagdarasal at pag-alala sa higit 6,000 buhay nabuwis sa pananalasa ng isa sa mga pinakamalalakas na bagyo sa mundo, ang Typhoon Yolanda (Haiyan), sa ika-10 anibersaryo nito ngayong Nobyembre 3, 2023.
Ngayong araw noong 2013, nanalasa ang Typhoon Yolanda sa Kabisayaan, Timog Katagalugan at hilagang bahagi ng Mindanao na may taglay na lakas ng hanging higit sa 230 km/h. Kasabay ng pagwasak ng bagyo sa mga puno at imprastraktura ay mga pangarap na nilipad ng matinding unos na ito sa kasaysayan. Libu-libo rin ang kinabukasan na nilunod ng sinasabing "hindi inaasahan" daluyong nito na nagpalubog sa iba't ibang mga komunindad, lalo na sa Eastern Visayas. Sa loob lamang ng isang araw na pagdaan ng bagyo sa bansa, nabago nito ang kasaysayan at pananaw ng mga Pilipino patungkol sa mga bagyo at climate change.
Ngayong ginugunita natin ang ika-10 anibersaryo ng pananalasa ng bagyo, patuloy tayong nagtatanong: saan nga ba nagkulang at kailangang may magbuwi ng higit na 6,000 buhay sa isang bagyo na isa sa mga pinakatinutukan bago pa tumama? Bakit maraming mga residente ang nagulat at tila ba hindi naihanda ng mga awtoridad sa daluyong? Ngayong araw, kasabay ng ating paggunita, ating inaalala ang mga aral na ating natutunan at patuloy na pagpanawagan ng accountability sa nangyaring trahedya na sinasabing maaari naman sanang naiwasan.
Kami, sa PanahonKonek, ay nakikiisa sa pagsulong ng mas handang mga komunidad sa pamamagitan ng pagbigay ng maayos na impormasyon sa mga tao, pagsulong ng open data para sa mga mananaliksik, at pag-udyok sa pamahalaan na mas pagtibayin pa ang larangan ng weather forecasting at disaster risk reduction and management sa ating bansa.
Malalang kasalanan na kung hahayaan nating maulit muli ang trahedya ng Yolanda. Paglapastangan sa mga nagbuwis ng buhay kung hindi natin isasapuso at ipapatupad ang mga aral na buhay nila ang naging kapalit. Huwag sana tayong umabot sa puntong maging kahiya-hiya dahil hindi natututo sa dose-dosenang bagyong nakakaapekto sa bansa.