Sino si Mariano Sevilla?


Isang daang taon ang nakararaan, noong Nobyembre 23, 1923, pumanaw ang paring si Mariano Sevilla sa edad na 84. Nakilala siya sa pagpapasimula ng tradisyong "Flores de Mayo."*

Ipinanganak si Padre Sevilla noong Nobyembre 12, 1839 sa Tondo, Maynila sa isang angkang mula Bulakan, Bulacan. Inordenahan siya bilang pari noong 1863 at itinalaga siya sa iba't ibang tungkulin sa Simbahang Romano Katoliko. Sa panahong ito, isinalin niya sa Tagalog ang aklat na "Il Mese di Maria, osia di Maggio Consacrato a Maria S.S." ng Italyanong paring si Alfonso Muzzarelli. Inilimbag ang saling ito noong 1867 bilang "Flores de Maria o Mariquit na Bulaclac na sa pagninilaynilay sa boong buan nang mayo ay inihahandog nang manga devoto cay Maria Santisima." Ang akdang ito ang naging batayan ng tradisyong Flores de Mayo. 

Isinulong ni Sevilla ang sekularisasyon o ang paglipat ng pamamahala ng mga parokya mula sa mga paring regular na kalimita'y Espanyol tungo sa mga paring sekular o diyosesano na kalimita'y katutubo. Dahil dito, idinawit siya sa pag-aalsa sa Cavite na naganap noong Enero 20, 1872. Ipinatapon siya sa Marso ng taong iyon at pinahintulutan lamang makabalik noong 1874 at nagbalik sa mga tungkuling pansimbahan.

Muli siyang ipiniit ng mga Espanyol nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896 sa hinalang sangkot siya. Nakalaya siya sa kalaunan at itinalaga bilang guro sa Universidad Literaria de Filipinas. Nakipagtulungan siya kay Felipe Calderon upang mailagay sa Saligang Batas na isinusulat sa Malolos ang pagkilala sa Simbahang Romano Katoliko bilang opisyal na relihiyon ng Republikang Pilipino-isang probisyong hindi naipasa.

Bilang pagkilala sa kanyang katapatan sa Simbahang Romano Katoliko at sa kanyang mga nagawa sa mahaba niyang paglilingkod, hinirang siya ni Papa Benito XV bilang prelado domestico na may pamagat na Monsignor.

Sa sentenaryo ng kanyang pagpanaw, pinasinayaan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang panandang pangkasaysayan sa kanyang alaala sa Bulakan, Bulacan.

*Lumabas ngayong araw sa isang post sa Facebook ni G. Robby Villano Dela Vega na itinala sa Libro de Difunciones ng Parokya ng Nuestra Señora de la Asuncion ng Bulakan, Bulacan na ang kanyang araw ng pagpanaw ay Nobyembre 24. Mababasa ito rito: https://www.facebook.com/photo/?fbid=10160127973524858&set=a.10160087209809858.

Mga Sanggunian:

Custodio, Arlo. 2019. “Flores de Mayo in the New Millennium.” The Manila Times. Mayo 19, 2019. https://www.manilatimes.net/2019/05/19/the-sunday-times/cover-story/flores-de-mayo-in-the-new-millennium/556664. 

Malolos Diocese. 2023. “Sandigang Kasaysayan: The Month of May and the Tradition of Offering Flowers to Mary (05.31.23).” ANG SANDIGAN. Hulyo 7, 2023. https://dioceseofmalolos.ph/2023/07/07/sandigang-kasaysayan-the-month-of-may-and-the-tradition-of-offering-flowers-to-mary-05-31-23/.

“Mariano Sevilla.” 2020. Pintakasi. Mayo 6, 2020. https://pintakasiph.wordpress.com/tag/mariano-sevilla/#:~:text=Mariano%20Sevilla%2C%20an%20outstanding%20diocesan,priest%20in%20San%20Rafael%2C%20Bulacan.

"Mariano Sevilla (1839-1923." 1990. Filipinos in History, tomo 2. Maynila: National Historical Institute. 208-210.

"Mariano V. Sevilla." Panandang Pangkasaysayan mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, 2023.

"Roguemos por Nuestros Hermanos Últimamente Fallecidos." 2023. Boletin de la Iglesia de San Ignacio 2(15), 390.

Schumacher, John N. SJ. 1981. Revolutionary Clergy: The Filipino Clergy and the Nationalist Movement, 1850-1903. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.

"Semana." 1923. Estudio, Disyembre 1, 1923. 12.

Sevilla, Mariano. 1888. Flores de Maria o Mariquit na Bulaclac. Kopyang digital mula sa Kyoto University-KOLINE Library of the Center of Southeast Asian Studies at ibinahagi sa madla ng Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora de la Asunción.

"Una Figura Historica: Las Bodas de Oro del Padre Sevilla." 1913. Renacimiento Filipino, Marso 14, 1913.

Venago, Martin E. 1929. Ang mga Paring Pilipino sa Kasaysayan ng Inang Bayan. 

. . .
May saysay ang kasaysayan. Ikalat pa natin:
🖐 I-like at i-follow ang Project Saysay at Project Vinta
👉 Bisitahin ang www.psaysay.org
🤙 Usap tayo paano pa natin mapapalakas ang public history sa project.saysay@gmail.com
#pSaysay10

Post a Comment

0 Comments
* Please Don't Spam Here. All the Comments are Reviewed by Admin.

Top Post Ad

SPONSORED

sponsored